QUEZON CITY — Inaprubahan na ng House Committee on Basic Education and Culture ang tatlong priority bills na layong solusyunan ang krisis sa edukasyon sa bansa. Ang mga panukalang ito ay pinangunahan nina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at TINGOG Party-list Reps. Yedda Marie K. Romualdez, Andrew Julian K. Romualdez, at Jude A. Acidre.
Layon ng mga nasabing reporma na puksain ang malalang classroom shortage at siguruhin ang de-kalidad na Senior High School tracks na angkop sa pangangailangan ng ating mga mag-aaral.Sa ilalim ng Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act at Emergency Classroom Building Act, mas mapapabilis na ang pagpapatayo ng mga paaralan dahil bibigyan ng kapangyarihan ang mga LGU at private sector na tumulong, habang magkakaroon din ng emergency powers ang Pangulo para sa mabilisang rehabilitasyon ng mga pasilidad.
Kasabay nito, babaguhin ng Education Pathways Act ang Senior High School para maging mas malinaw ang direksyon ng mga estudyante. Hahatiin ito sa dalawang track: ang University Preparatory Pathway sa ilalim ng DepEd para sa mga magkokolehiyo, at Technical-Vocational Pathway sa ilalim ng TESDA para sa mga gustong magtrabaho agad. Ayon kay Rep. Jude Acidre, Chairperson ng House Committee on Higher and Technical Education, hindi na pwedeng maghintay pa ang bansa habang nahuhuli ang mga batang Pilipino sa international assessments.
“We cannot expect better learning outcomes from a system that lacks the basic conditions for learning. Infrastructure, curriculum, and governance must move in coordination,” ani Acidre. “The era of diagnosing the problem is over. The next phase is disciplined implementation: classrooms delivered, pathways clarified, and results sustained.”
###




